A place full of sadness, wrath, frustrations, vengeance, love and hope. A place for my unwanted body. A place for my perplexed mind. A place for my wandering soul. A place for my wretched existence. A battlefield for my multiple personalities.



Wednesday, February 13, 2013

Herzog

Tahimik kong pinagmamasdan ang isang obrang ipininta ni Ralf Winkler nang mapansin ko ang isang matandang lalake na tumabi sa akin. Tumingin ako sa kanya at ngumiti. Sa tantya ko ay nasa ika-pitumpong taon na sya subalit mababakas pa rin sa kanya ang pagkakaroon ng malakas na pangangatawan. Mahigit kalahating oras na ako sa pwestong iyon na nakatitig lamang sa obra habang naglalakbay ang aking isipan. Tag-ginaw noon sa Munich at konti lamang ang mga bisita sa Pinakothek der Moderne. Ibinalik ko ang aking atensyon sa obra na nagpapakita ng isang lalake sa gitna ng kadiliman habang nakatingala sa mabituing langit nang madinig ko ang banayad nyang tinig; "Schmerzlich" ang wika nya. "Ja" ang aking isinagot at muling ngumiti habang nakatingin sa kanyang mga mata. Mahaba ang kanyang sinabi subalit hindi ko na sya naintindihan dahil sa kakulangan ng bokabularyo ko sa wikang Aleman, "Können wir bitte auf Englisch sprechen?" na lamang ang aking naisagot. Inulit nya ang kanyang sinabi at doon ko nalaman na ako pala ang tinutukoy nya, hindi ang larawan sa aming harapan. Labis ko iyong ikinagulat kung kayat hiningi ko ang kanyang paliwanag sa kanyang obserbasyon. "You've been staring at this painting for quite some time now. Please pardon my impudence, I am Franz. Would you like to have some tea with me?" ang kanyang paanyaya. Magaan ang loob ko sa kanya at nais ko ring marinig ang kanyang mga sasabihin kung kayat hindi ako nagdalawang isip na paunlakan ang kanyang paanyaya. Halos apat na oras na kaming nagkukwentuhan nang mapansin ko ang pag-ulan ng nyebe sa labas ng maringal na karihan kung saan kami maginhawang nakaupo. "Huwag ka nang malungkot dahil sa kinalakihan mong isla, mula ngayon ituring mo na ang Munich bilang pangalawa mong tahanan. München mag dich." Malawak ang kaalaman ni Franz sa madaming bagay kaya labis akong nahumaling sa aming usapan. Pareho kaming incompatibilist na mas pumapabor sa determinism kaysa free will. Umikot ang usapan namin kay Schopenhauer, kay Nietzsche, sa agham, kalikasanan, digmaan, inequity, musika, iskultura, ekonomika, literatura, pulitika, krisis sa Europa at ang paborito nyang paksa, ang sining. Naging madali para sa akin ang ibahagi kay Franz ang aking mga iniisip, ang aking nakaraan at ang aking mga plano. Pakiramdam ko ay ligtas ako sa piling nya. Walang paghuhusga. Nabanggit ko sa kanya ang plano kong pumunta sa Zurich pati na sa libingan ni Thomas Mann, tinanong nya ako kung nabasa ko na ang Der Tod in Venedig (Death in Venice), napangiti ako nang tinawag nya akong "Tadzio." Tumira at nag-aral sya sa Zurich at naging kaibigan rin sya si Mann kaya iminungkahi nya na samahan ako sa aking pagpunta doon. Bago kami maghiwalay ay tinanong nya ako kung ano plano kong gawin kinabukasan dahil nais nya daw sanang ipakita sa akin ang isang kakaibang museyo malapit sa Schloss Neuschwanstein, ang Museum der Bayerischen Könige.

No comments: