Isinilang ako sa isang mahirap na pamilya sa isang fourth class municipality sa Batangas na na tila isang microcosm ng Pilipinas na pinalalakad ng iba't-ibang klaseng magnanakaw Nagta-trabaho sa Gitnang Silangan bilang isang drayber ang aking ama subalit kulang na kulang pa ang kanyang kinikita para sa amin. May mga araw pa nga noong kabataan ko na patis lamang ang aming ulam, isinasawsaw dito ang kanin pagkatapos ay isusubo at pipilitin kong lunukin. Wala akong magawa dahil wla naman kaming pambili ng masarap na ulam. May natanggap akong regalo mula sa ninang ko noong bata pa ako na isang puting polo shirt na may lilak na kuwelyo, subalit bukod dito ay wala na akong maalala pang kahit anong regalo sa akin sa ano mang okasyon, mapa-pasko man o kaarawan ko. Tuwing Enero, pagkatapos ng mahabang bakasyon ay papasok na ulit ang mga estudyante at kanya-kanyang payabangan yan ng mga bagong sapatos, mga regalo at kung magkano lahat ang natanggap na pera mula sa kanya-kanyang mga ninong at ninang. Isa ito sa pinaka-ayaw kong panahon. Hindi ako kayang ibili ng bagong sapatos ng tatay ko at mahirap lang ang mga ninong at ninang ko kaya napakaliit lamang ng perang napapaskohan ko.
Kahit maliit ay iniipon ko ang mga perang napapaskuhan ko noon dahil may dalawang bagay akong nais na mabili at magawa. Gustong-gusto kong magkaroon ng makulay na pencil case na may maraming drawer na may lumalabas na kung anu-ano (eraser, magnifying glass, gunting, etc.) kapag pinindot ang mga button -- para syang Swiss army knife, pencil case nga lang. Inggit na inggit ako noon sa mga kaklaseng kong meron nito. Putang ina naga-abroad ang tatay ko pero hindi nya ako magawang ibili noon. Ang isa pa ay gusto kong magpakain ng sandwich o kaya naman ay Rebisco crackers na may iba't-ibang palaman at Zesto orange juice sa mga kaklase sa aking kaarawan. Ganoon kasi ang nakagawian sa public school na pinasukan ko noong elementarya. Ayaw ng nanay kong magpakain dahil wala kaming perang pambili o dahil hindi lang talaga sya mahilig maghanda tuwing may okasyon at nahihiya ako sa mga kamag-aral ko na hindi man lang nagpapakain sa kaarawan ko. Ang mas masama pa dito ay magkasunod kami ng kaarawan ng isa sa pinakamayamang kong kaklase. Madami lagi syang handa noon tapos Coke pa ang inumin. Karamihan sa mga kaklase ko ay naalala lamang ang araw ng birthday ko dahil ginagamit nilang reference ang birthday ng mayamang kong kaklase. Isang napakalaking insulto yun para sa akin at kinaiinisan ko talaga iyon.
Ganoon ang naging buhay ko tuwing darating ang pasko at kaarawan ko kaya unti-unti ay nakadevelop ako ng napakalalim na galit at kalungkutan tuwing darating ang dalawang okasyong ito. Hindi ko na nabili ang gusto kong pencil case at hindi rin ako nakapagpakain sa kaarawan ko kahit na Rebisco cracker man lang. Kailangan kong magsikap para makuha ko ang mga gusto ko dahil wala naman akong mayamang kamag-anak o ninong at ninang na magbibigay o tutulong sa akin. Isinumpa ko sa sarili kong magsisikap ako para paglaki ko ay mabili ko na at magawa ang kahit ano mang gustuhin ko.
Ngayong Disyembre ay niregaluhan ko ang sarili ko. Nakipagkilala ako kina Christian, Domenico at Stefano. Pumunta sa magandang karnabal (hindi na peryahan) at lumangoy sa bughaw na karagatan.
Monday, January 03, 2011
Subscribe to:
Posts (Atom)
