Wednesday, February 13, 2013
Auszeichnung
Noong nasa mataas na paaralan pa ako ay lihim kong kinahihiligan ang pag-aaral ng Panitikang Pilipino. Lihim sapagkat sa isip ko ay mayroon akong persepsiyon na hindi ito "cool" na nagbunga sa pakikisalamuha ko sa iba't-ibang grupo sa aking paaralan. Sa kabila nito ay labis pa rin akong nahumaling sa mga sinulat nina Genoveva Endroza-Matute, Liwayway Arceo, Roberto T. Añonuevo, José de la Cruz, atbp. Nangarap ako noon na sana balang araw ay magkamit ako ng Gawad Palanca.
Nasa ikatlong taon ako nang bumuo ang guro ko ng isang pagsasanay sa pagsulat ngunit hindi nya ako isinama sa mga dumalo dito. Labis akong nalungkot noon.
Si Paz Marquez Benitez ang itinuturing na isa sa mga pinakadakilang guro sa panitikan na humulma kina Bienvenido Santos, Loreto Paras-Sulit, Francisco Arcellana, Jose Garcia Villa. Marahil noon pa man ay nakita na ni Gng. Benitez ang kanilang potensyal.
Nang hindi ako pinili ng aking guro na isama sa pagsasanay na iyon ay doon ako nagsimulang tanungin ang aking sarili kung mayroon ba talaga akong kakayahan sa pagsulat. Siguro kahit ang aking guro ay walang nakitang kinabukasan sa aking pagsusulat kung kaya't minabuti na lamang nya na hindi ako isama. Naging isa sa mga mabibigat na karanasan para sa akin iyon na bumago sa pagtingin ko sa sarili ko at sa aking kakayahan. Magmula noon ay kinalimutan ko na lamang ang aking pangarap na Gawad Palanca. Paminsan-minsan ay sinusubukan ko pa ring magsulat subalit kadalasan ay hindi ko ito tinatapos.
Herzog
Tahimik kong pinagmamasdan ang isang obrang ipininta ni Ralf Winkler nang mapansin ko ang isang matandang lalake na tumabi sa akin. Tumingin ako sa kanya at ngumiti. Sa tantya ko ay nasa ika-pitumpong taon na sya subalit mababakas pa rin sa kanya ang pagkakaroon ng malakas na pangangatawan.
Mahigit kalahating oras na ako sa pwestong iyon na nakatitig lamang sa obra habang naglalakbay ang aking isipan. Tag-ginaw noon sa Munich at konti lamang ang mga bisita sa Pinakothek der Moderne.
Ibinalik ko ang aking atensyon sa obra na nagpapakita ng isang lalake sa gitna ng kadiliman habang nakatingala sa mabituing langit nang madinig ko ang banayad nyang tinig; "Schmerzlich" ang wika nya. "Ja" ang aking isinagot at muling ngumiti habang nakatingin sa kanyang mga mata.
Mahaba ang kanyang sinabi subalit hindi ko na sya naintindihan dahil sa kakulangan ng bokabularyo ko sa wikang Aleman, "Können wir bitte auf Englisch sprechen?" na lamang ang aking naisagot.
Inulit nya ang kanyang sinabi at doon ko nalaman na ako pala ang tinutukoy nya, hindi ang larawan sa aming harapan. Labis ko iyong ikinagulat kung kayat hiningi ko ang kanyang paliwanag sa kanyang obserbasyon. "You've been staring at this painting for quite some time now. Please pardon my impudence, I am Franz. Would you like to have some tea with me?" ang kanyang paanyaya. Magaan ang loob ko sa kanya at nais ko ring marinig ang kanyang mga sasabihin kung kayat hindi ako nagdalawang isip na paunlakan ang kanyang paanyaya.
Halos apat na oras na kaming nagkukwentuhan nang mapansin ko ang pag-ulan ng nyebe sa labas ng maringal na karihan kung saan kami maginhawang nakaupo.
"Huwag ka nang malungkot dahil sa kinalakihan mong isla, mula ngayon ituring mo na ang Munich bilang pangalawa mong tahanan. München mag dich."
Malawak ang kaalaman ni Franz sa madaming bagay kaya labis akong nahumaling sa aming usapan. Pareho kaming incompatibilist na mas pumapabor sa determinism kaysa free will. Umikot ang usapan namin kay Schopenhauer, kay Nietzsche, sa agham, kalikasanan, digmaan, inequity, musika, iskultura, ekonomika, literatura, pulitika, krisis sa Europa at ang paborito nyang paksa, ang sining. Naging madali para sa akin ang ibahagi kay Franz ang aking mga iniisip, ang aking nakaraan at ang aking mga plano. Pakiramdam ko ay ligtas ako sa piling nya. Walang paghuhusga.
Nabanggit ko sa kanya ang plano kong pumunta sa Zurich pati na sa libingan ni Thomas Mann, tinanong nya ako kung nabasa ko na ang Der Tod in Venedig (Death in Venice), napangiti ako nang tinawag nya akong "Tadzio." Tumira at nag-aral sya sa Zurich at naging kaibigan rin sya si Mann kaya iminungkahi nya na samahan ako sa aking pagpunta doon.
Bago kami maghiwalay ay tinanong nya ako kung ano plano kong gawin kinabukasan dahil nais nya daw sanang ipakita sa akin ang isang kakaibang museyo malapit sa Schloss Neuschwanstein, ang Museum der Bayerischen Könige.
Subscribe to:
Posts (Atom)
