A place full of sadness, wrath, frustrations, vengeance, love and hope. A place for my unwanted body. A place for my perplexed mind. A place for my wandering soul. A place for my wretched existence. A battlefield for my multiple personalities.



Wednesday, February 13, 2013

Auszeichnung

Noong nasa mataas na paaralan pa ako ay lihim kong kinahihiligan ang pag-aaral ng Panitikang Pilipino. Lihim sapagkat sa isip ko ay mayroon akong persepsiyon na hindi ito "cool" na nagbunga sa pakikisalamuha ko sa iba't-ibang grupo sa aking paaralan. Sa kabila nito ay labis pa rin akong nahumaling sa mga sinulat nina Genoveva Endroza-Matute, Liwayway Arceo, Roberto T. Añonuevo, José de la Cruz, atbp. Nangarap ako noon na sana balang araw ay magkamit ako ng Gawad Palanca. Nasa ikatlong taon ako nang bumuo ang guro ko ng isang pagsasanay sa pagsulat ngunit hindi nya ako isinama sa mga dumalo dito. Labis akong nalungkot noon. Si Paz Marquez Benitez ang itinuturing na isa sa mga pinakadakilang guro sa panitikan na humulma kina Bienvenido Santos, Loreto Paras-Sulit, Francisco Arcellana, Jose Garcia Villa. Marahil noon pa man ay nakita na ni Gng. Benitez ang kanilang potensyal. Nang hindi ako pinili ng aking guro na isama sa pagsasanay na iyon ay doon ako nagsimulang tanungin ang aking sarili kung mayroon ba talaga akong kakayahan sa pagsulat. Siguro kahit ang aking guro ay walang nakitang kinabukasan sa aking pagsusulat kung kaya't minabuti na lamang nya na hindi ako isama. Naging isa sa mga mabibigat na karanasan para sa akin iyon na bumago sa pagtingin ko sa sarili ko at sa aking kakayahan. Magmula noon ay kinalimutan ko na lamang ang aking pangarap na Gawad Palanca. Paminsan-minsan ay sinusubukan ko pa ring magsulat subalit kadalasan ay hindi ko ito tinatapos.

No comments: