Ika-23 ng Hunyo rin noon, ilang linggo pa lang ang lumipas mula nang magsimula ako sa kolehiyo. Ito ang unang beses na dadalo ako sa pagtitipon ng lahat ng iskolar sa unibesidad na aking pinapasukan. Para sa isang freshman na tulad ko ay isang kamangha-manghang pagkakataon ang pagsasama-sama ng lahat ng matatalino at magagaling sa buong pamantasan, mga nagmula sa iba't-ibang college -- Accountancy, Science, Mass Com, Business, Engineering, etc. Pero ano ba ang ginagawa ko dito? Hindi ito ang plano ko noong nasa high school pa lamang ako. Dapat ay nasa ibang lugar ako ngayon, sa Kalayaan! Natapos ang pagtitipon at pareho kaming nahalal bilang miyembro ng executive board ng Kapatiran. Doon kami ay nagkakilala.
Tahimik ko syang pinapanuod noong gabing iyon pagkabalik sa Bulwagan ng Unyon ng Mag-aaral para sa aming unang pagpupulong. Isa sya sa mga makakasama ko halos araw-araw sa aking bagong tambayan. Lumipas ang mga araw at unti-unti ko syang nakilala. Sa kabila ng kanyang balingkinitang katawan ay nagtatago ang isang mabangis na pusa. Minsan lamang sya magsalita pero hindi mo pwedeng balewalain ang mga ideyang sinasabi ng kanyang mga mapupulang labi. Hindi mo mapipigilang tumigil sa iyong ginagawa at lumingon kapag narinig mo ang kanyang mahinahon pero intimidating na boses. Minsan ay mag-aalangan kang tumabi sa kanya dahil makinis at maputi nyang kutis. Kaya nyang sindakin ang sinuman gamit ang kanyang mapanlisik na mata. Isa sya sa mga nangunguna sa kanilang batch. Hindi sya nawawala sa listahan ng mga top tuwing departmental exam.
Pareho kaming naging aktibo sa lahat ng proyekto ng Kapatiran sa buong taon na iyon. Lagi kaming tumatambay sa OSFA pagkatapos ng aming klase.
Hindi na namin maalala kung anu-ano ba ang mga napag-uusapan namin tuwing magkikita kami o kung nagkasama ba kaming kumain ng refillable lugaw sa loob ng Teresa pero alam namin na noong panahong iyon ay nagkakasundo na kami. Pagkatapos ng aming term ay muli kaming nahalal bilang miyembro ng executive board pero this time hindi na kami masyadong naging active. Paminsan-minsan na lang kami nagkikita. Noong huling taon naman nya sa kolehiyo ay nag-LOA pero tuloy-tuloy parin ang communication namin, minsan rin naman dumadalaw ako sa OSFA. Katulad ng inaasahan, nagtapos sya na "Cum Laude" sayang nga kinulang ng 0.04 ang kanyang final grade para makapasok sa Magna Cum Laude.
Saka pa lang kami nagkita makalipas ang halos tatlong taon. Dahil pareho kaming nagtatrabaho sa Makati ay naging mas madalas ang aming pagkikita dito ay mas lumalim ang aming pagkakaibigan. Sya ang movie buddy ko pero minsan ay mag-isa akong nanunuod ng pelikula dahil sobrang busy sya sa trabaho at kapag free na sya ay pipilitin naman nya akong samahan syang panuorin ang pelikulang napanuod ko na kaya ayun minsan natutulog na lamang ako sa sinehan. Sya rin ang food buddy ko kahit na mahilig sya sa prawn at ayaw ko naman dahil sa amoy at kumakati yung labi ko tuwing kumakain ako nito. Natatawa na lamang kami kapag napagkukwentuhan namin ang napakaraming bagay, pagkain, at paniniwala na hindi namin pinagkakasunduan subalit sa kabila nito ay nananatili pa rin kaming malapit na magkaibigan. Nakakatawa rin na tuwing sasabihin ko sa kanya ang planong gawin o puntahan ay hindi natutuloy kaya saka ko na lamang ikinukwento sa kanya ang mga ginawa ko. Maganda na rin yun dahil minsan may mga kagaguhang gusto kong gawin pero alam kong makakasama iyon sakin kaya sinasabi ko kanya para hindi na yun matuloy.
Alam nya lahat ng mga katarantaduhang ginagawa ko pati mga paglalaro ko sa buhay. Alam nya ang galit ko sa mundo at sa mga tao. Alam nya ang pangalan ng bawat taong nakasama ko at pinagalayan ng aking atensyon. Alam nya ang aking mga kabiguan at kasama ko syang nagdiriwang sa aking mga tagumpay.
#######################################
Ngayon ay ang ika-walong taon ng aming pagkakaibigan.
Wednesday, June 23, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment