Nalungkot ako nitong nagdaang linggo. Akala ko noong Monday, November 25 ang birthday ni Vito Corleone yun pala noong Friday, November 21 pa. Noong araw na yun ay nasa Nasugbu kami para sa company Team Building namin, sobrang enjoy ko noon at hindi ko rin talaga alam na ang araw na yun na pala ang birthday nya. Pakiramdam ko napakawalang kwenta ko, hindi ko alam ang birthday ng taong itinuturing kong “Mentor.” Sinubukan ko syang tawagan noong Monday ngunit hindi nya naman sinagot, nasa meeting daw sya sabi ng dati kong officemate. Naisip kong i-text na lang sya but sabi ko mas mabuti kung makakausap ko sya. Nahihiya talaga ako sa kanya.
Sobra-sobra ang respeto at paghanga ko kay Vito Corleone. Halos ama na ang turing ko sa kanya. Napakahalaga sakin ng bawat salitang binibitiwan nya. Naaalala ko pa noong nagtatrabaho pa ako sa Mafia, tuwing darating sya nagkakagulo na ang lahat. Napakalakas ng dating nya. Tapos kamukha pa nya si Marlon Brando sa The Godfather. Tuwing nagmi-meeting kami napakarami nyang ikinukwento tungkol sa buhay nya, kung paano sya nagtagumpay, ang mga ginawa nyang diskarte, mga pinagdaanan nya. The best sya pagdating sa pagmo-motivate sa mga employee nya. Madalas, bigla ka nyang tatawagin (syempre kabadong-kabado ka), papapasukin sa office nya para kausapin at kamustahin. Bibigyan ka nya ng kung anu-anong advice tungkol sa buhay, trabaho, sales, diskarte, lahat. At paglabas mo sa opisina nya wala na lahat ng agam-agam na gumugulo sa isipan mo.
Paborito nya ang kantang “My Way” at mga kanta ni Engelbert Humperdinck. Tuwing magvi-videoke kami ito lagi ang kinakanta nya. Siya ang naka-impluwensya sakin upang pa-appreciate ko ang mga contemporary classic songs na hindi mawawala tuwing may nagvi-videoke. Sa kanya ko rin natutunang maapreciate ang Il Divo, si Elvis Prestley, Willie Nelson, Frank Sinatra, etc. Lagi ko syang tinitingnan kapag hahawakan ko na ang microphone at magsimula nakong kumanta kasi nakakatuwang tingnan ang mukha nya. Parang gusto na nyang agawin tapos bigla syang hahagalpak sa tawa kasi nga wala talaga ako sa tono. Noong birthday nga nya last year biniro nya ako na nagising daw buong Corinthian Gardens nung kumanta nako.
Isa pa sa mga hinahangaan ko sa kanya ay ang pagpapahalaga nya sa dignidad at ang prinsipyo nya pagdating sa mga project/bidding. Malinis syang makipaglaban. Napakakuripot rin ni Vito Corleone, katulad ko. Hindi ganun kalaki ang pinapasweldo nya dati pero maalaga naman sya pagdating sa ibang bagay. Naiintindihan ko rin naman ang point nya. Lagi nyang sinasabi na samantalahin namin ang chance na matuto mula sa kanyang mga pinagdaanan. Maswerte daw kami dahil personal kaming natuturuan ng isang tulad nya, isang taong may mahigit tatlumpung taong kasanayan sa negosasyon, isang taong nagtagumpay, bumagsak, ngunit bunganon at muling nagtagumpay. Hindi ko malilimutan ang ang metaphors nya tungkol sa pag-aalaga ng kliyente. Lagi nyang itong inihahalintulad sa pag-aalaga ng isang puno. Dapat lagi itong dinidiligaan, kinakausap at binabantayan hanggang sa bumunga na ito. Mahabang proseso ito at kapag nakita mo nang lumabas ang mga bunga doon ka mas dapat magbantay. Napakaraming maghahangad na makuha ito..papayag ka pa bang makuha ng iba ang pinaghirapan mo? Sa kabila ng mahabang paghihintay, mapapawi lahat ng hirap mo kapag natikman mo na ang lahat ng bunga ng paghihrap mo.
Napakahalaga ng naging bahagi ni Vito Corleone sa buhay ko. Sa kanya ko natutunan lahat ng nalalaman ko pagdating sa negotiation, mga diskarte sa pagbebenta, mga do’s and don’ts sa pakikiharap sa mga kliyente, at syempre ang mga aral kung paano mo haharapin ang buhay. Ang lahat ng ito ang ginagamit ko sa Alemanyang kumpanyang pinagtatrabahuhan ko ngayon. Gustong-gusto ko syang tawagan noong nakuha ko ang una kong Purchase Order (P.O) para pasalamatan sya subalit nahiya ako. Gumawa ako ng mahabang test message para sa kanya pero hindi ko rin naipadala. Ipinagmamalaki ko na si Vito Corleone ang naghulma sa akin. Kapag hindi ko na alam ang gagawin ko, iisipin ko lang kung si Vito Corleone ba ang nasa ganitong sitwasyon, ano bang gagawin nya.. mula doon ay unti-unti nang lalabas ang mga ideya kung ano ang nararapat kong gawain sa negosasyon. Gusto kong maipagmalaki rin nya na SYA ang naghulma sa akin. Matagal pa bago ako lubusang "mahinog" at hindi ko ito minamadali. Marami pa rin akong dapat matutunan, marami pa akong dapat maranasan. Malayo pa ang lalakbayin ko para mapantayan man lang ang naabot ni Vito Corleone, ang aking Mentor. Gagamitin kong gabay ang lahat ng natutunan ko sa kanya upang marating ang aking mga pangarap.
###############################################################
Si Vito Corleone ang Godfather ng Mafia. Nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas, Electrical Engineering, MS Engineering, Master of Business Administration. Dating Presidente ng Instite of Electrical and Electronics Engineering (IEEE) - Philippine Sector, Chairperson ng ECE Department ng XXXX, sa kasalukuyan nagtuturo sya sa YYYY. Siya ang ang aking MENTOR.
Tuesday, December 09, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

1 comment:
your blog is feel good......
Post a Comment